Search This Blog

Saturday, June 25, 2011

καιρός[1]: Kairos

         "Hoy gising!" boses ng tatay ko. "Hoy gumising ka nga diyan! Nagiinuman kami, magpapabili ako ng yelo sa'yo sa labas." pasigaw niyang sinabi sa akin. Ano daw? Hindi ba niya nakikita na masarap ang tulog ko para gisingin ako at isa pa, anong oras na ba para magpabili sa akin siya ng yelo? Nagising ako ng masakit ang ulo. 2:45am? Nagiinuman padin sila? Sana nga matuluyan na siya...o wag naman pala sana. Tatay ko padin siya. Bumaba na ako galing sa aking kwarto. May lalaking nakatingin sa akin na siguro, kaibigan ni itay. Sama niya tumingin... Pero bisita siya, baka ngayon lang niya ako nakita. "Tay, hindi ba delikadong maglakad sa labas ng ganitong oras?" ang sabi ko sa kanya. "Sino ba nagsabing maglakad ka? Aba, tumakbo ka. Nagmamadali kami! Kung wala kang balak umalis, wala kang mapupuntahan!" Aba ka din, itay. Akala mo kung sinong Bob Ong, lasing lang siya. Kung hindi lang kita tatay...

         Patuloy padin akong tinititigan ng lalaki na may rosaryong nakasabit sa leeg. Dapat lang hindi siya ganun makatingin. Meron siyang rosaryong pilak sa leeg tapos masama siya tumingin? Pari ba siya? Nginitian niya ako bigla. Nginitian ko din siya. Kapansin-pansin ang mga pangil niya...at ang baril sa kaliwa't kanan niyang bulsa. Kinabahan ako, baka ako pa maging pulutan nila sa gabing 'yun kaya umalis na ako.

         Sa wakas, pauwi na ako. Umalis agad ako ng bahay para sa dahilan na makakauwi din agad ako. Pero habang pauwi ako, ang lalim ng mga iniisip ko. Alas tres daw ng umaga 'yung tinatawag nilang Devil's hour, delikado daw 'yung oras na 'yun at nakakatakot. Dapat natutulog ka nalang daw kaysa maabutan mo pa 'yun. Pero wala din akong paki dahil hindi ako naniniwala sa mga ganung bagay, lalo na 'yung mga multo multo na 'yan. 'Yung mga aswang? Ewan ko. Kahit na hindi pa ako nakakakita ng isa, pero ewan ko talaga. Pero mga demonyo? Aba kung makakakita lang ako ngay-- Ano 'yun? Parang kanina, may taong nakatayo sa bandang kaliwa ko at biglang nawala nalang noong pagtakip niya ng kapa. Kapa? 2011 na, uso pa ba 'yun? "Sino ka at bakit mo ako nakikita?" may bumulong sa akin. Nababasa ba niya isipan ko? Teka, sino o ano ba siya para basahin isipan ko? Medyo malayo layo pa ako sa bahay, tumakbo nalang ako. Kasalanan ng tatay ko lahat ng 'to.

         Sino siya at bakit hindi ko siya dapat nakita? 'Yan ang tanong. Bakit parang kanina pa alas tres sa selpon ko? Huminto ba 'yung oras? At bakit ako nakatayo sa baba ng ilaw ng poste? At ito lang 'yung poste na may ilaw? At bakit nawala 'yung anino ko? May biglang lumitaw na letra sa harap ko... Hindi ko lang maintindihan.


         Oo, kunyari naiintindihan ko ah? Biglang may dalawang lalaki na lumabas sa likod ko. Hindi ko man nakita, naramdaman ko. Galing sila sa dilim, naglalakad sila at rinig ang yabag ng mga paa. Lumingon ako sa likod para mamukhaan sila. Batak 'yung may higanteng espada 'yung isa, payatot naman 'yung may dalawang espadang pang-samuray. Makaluma? Sino sila at bakit may ganyang armas sila. Bakit, sino ba kalaban nila?

         "Dapat ka nang mamatay. Napagutusan lang kami." sabi ng lalaking higante na may napakalalim na boses. "Hahahahahahaha." halakhak naman ng payatot na baliw. Ano koneksyon nila sa lumitaw na mga... Ano ba 'yun, alibata o kung ano mang letra mga lumabas sa harap ko. "Isa ka sa kanila..." sabi ng 7 footer na mama. Lumaki ang mata ng baliw at ngumiti ng wagas siya. "Ako ang papatay sa isang 'yan." na may kasamang gigil. Bakit, sino ba sila at sino ba ako? Napagutusan lang ako bumili ng yelo.

         Inilabas ng baliw ang dalawang espada niya at pasugod na sa akin.Nakita ko 'yun, 'yun na siguro ang huli kong makikita at ipiniki ko na ang aking mga mata. Hindi ko man lang nasabi sa mga magulang ko kung gaano ko sila kamahal. Lalo na sa nanay ko. Hindi ko din nasabing mahal ko siya noong iniwan niya kami sa mundong ito. Ang tagal ko naman mamatay. Akalain mong na-ikwento ko pa 'to bago-- Teka, ang tagal ko nga mamatay. Unti unti kong binuklat ang aking mga mata. Natigilan sa paglusob ang baliw. Pero sinasabi ko sa inyo, napakabilis niyang lumusob sa akin. Hindi ito makikita ng isang karaniwang mortal. Nagsasalita ako na parang hindi ako isang karaniwang mortal...o hindi nga ba talaga?


         Oo, kunyari ulit naiintindihan ko. May mga letra na sumangga ng pag-atake ng baliw. Ang mga letra niya ay hindi katulad ng mga letra sa may gilid ko dahil una, pula siya at pangalawa, sinangga niya ang pag-atake ng baliw kaya siguro naman kasama ko siya? "Blue, nandito siya..." sabi ng higante. Ngayon ko lang napansin na kulay asul nga 'yung baliw. Tapos ano, Red ang pangalan ng higante dahil pula siya. "Hehehehehehe..." ang halakhak ni Blue. Siguro hindi ko na kailangang i-kwento pa ang sinasabi niya kasi halos puro tawa lang naman siya.  Hindi naman siguro nanggaling 'yung mga asul na letra kay Blue.

         BANG! Tunog ng baril. Sabay sangga naman si Blue na parang wala lang at parang akala mo, kitang kita 'yung bala. Hindi siya isang normal na tao. Wala na atang normal sa mga pangyayaring ito. Mga umiilaw at lumulutang na letra na hindi ko naman maintindihan. Baka unicorn ako? Ewan. Naguguluhan ako. "Ano ginagawa mo dito at bakit ka nagmamagata, Gabriel?" sabi ni Red. Red ang itatawag ko talaga sa kanya dahil pula nga siya. Sino at saan si Gabriel? May iba pa ba silang nakikita na hindi ko nakikita? Sunod sunod na ang pagputok ng baril ang naririnig ko at kung saan saan ito nanggagaling. Sangga ng sangga ang dalawa ng biglang hiniwa ni Red, gamit ang higanteng espada niya, ang pinakamalapit (malayong malayo ang pinakamalapit) puno.

         Akala ko si Blue lang ang may saltik. Pero, noong patumba na ang puno, hiniwa ng hiniwa ni Blue ang patumbang puno kay Red ng napakabilis at naging abo ito. Doon nagtatago si Gabriel... Hindi ko masilayan ang itsura ni Gabriel dahil madilim sa kinakatayuan niya banda ng may biglang kuminang...

         Ah. Siya pala si Gabriel.

1 comment: